Mga laro ngayon: (Linggo)
4:00 p.m. — Perlas vs BaliPure
6:30 p.m. — Creamline vs Power Smashers

Lumapit sa semifinals ang BaliPure matapos walisin sa tatlong sets ang Air Force 25-17, 25-12, 25-17 kahapon sa Premier Volleyball League Reinforced Conference sa The Arena sa San Juan.

Lumakas ang kapit ng Water Defenders sa pangalawang puwesto ng standings sa tulong ng kanilang reinforcements na sina Jeng Bualee ng Thailand at American Jennifer Keddy.

Sinandalan din ng BaliPure si three-time NCAA MVP Grethcel Soltones para ilista ang 5-2 karta at ipalasap sa Lady Jet Spikers ang pampitong talo sa walong laro.

Tumikada si Keddy ng 19 points kasama ang 12 kills at six blocks, nagtala si Bualee ng 16 points para sa BaliPure na nakabangon sa pagkatalo kontra defending champion Pocari Sweat noong Huwebes.

Nirehistro ni Soltones ang nine points, bumakas ng eight si Risa Sato.

Namuno sa opensa ng laglag nang Air Force si Jocemer Tapic na may seven points, tumapos lang ng five points ang Thai import nilang si Patcharee Saengmuang.

Sunod na makakalaban ng BaliPure ngayong araw ang Perlas na 27-25, 26-24, 25-19 winner sa Power Smashers sa unang laro.