PVL: Balyahan ng heavyweights

PVL Logo

Mga laro ngayon (FilOil Flying V Center)
1:00 p.m. — TIP vs. Adamson
4:00 p.m. — Ateneo vs. Lyceum
6:30 p.m. — NU vs. FEU

Pahahabain ng Adamson ang winning streak sa tatlo para maniguro ng playoff sa semifinals ng Premier Volleyball League Collegiate Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Walang talo sa dalawang laro sa Group B, haharapin ng Lady Falcons ang TIP na hindi pa nakakatikim ng panalo sa dalawang salang.

Magkakaldagan naman ang heavyweight teams National U at FEU na tulad ng Adamson ay malinis din ang karta sa dalawang laro.

Pareho ang misyon ng Group A leaders Lady Bulldogs at Lady Tamaraws: sikwatin ang pangatlong ­sunod na panalo para makalapit sa Final Four sa event na inorganisa ng Sports Vision.

Mag-uunahan sa second win ang parehong 1-1 na Ateneo at Lyceum sa third game.

Tinalo ng Lady Eagles ang JRU bago yumuko sa Lady Tams sa four sets.

Luhod sa unang laro ang Lady Pirates, bumangon kontra Lady Bombers.

Sampa sa crossover semifinals ang top two teams sa bawat grupo.