Mga laro ngayon:
(The Arena, San Juan)
4:00 p.m. — Air Force vs Power Smashers
6:30 p.m. — Adamson vs Pocari Sweat
Nadugtungan ang buhay ng BanKo-Perlas nang ma-upset sa five sets ang BaliPure, 24-26, 13-25, 25-13, 25-22, 15-11, at manatiling buhay ang tsansa sa semifinals kahapon sa Premier Volleyball League Open Conference sa The Arena sa San Juan.
Napalaban naman nang todo ang Creamline sa University of the Philippines bago naitakbo ang 19-25, 18-25, 25-18, 25-17, 16-14, win.
Nananatiling malinis ang kartada ng Cool Smashers nang maitatak ang ikaanim na sunod na panalo.
Ito rin ang ikalawang sunod na panalo ng Creamline na wala si star player Alyssa Valdez.
Luhod sa unang dalawang sets, lumabas ang bangis ng Perlas Spikers sa huling tatlong sets upang ilista ang 3-3 karta habang nalasap ng Water Defenders ang pangatlong talo sa limang laro.
Kumayod si Kathy Bersola ng 24 puntos para sa BanKo-Perlas na kailangan ipanalo ang huling laro para makasigurong sasampa sa susunod na phase.
Nagsanib-puwersa sina Bersola at Nicole Tiamzon sa 3rd at 4th set upang makatabla ang Perlas Spikers sa 2-2 at makahirit ng deciding fifth set.
Umarangkada ang BanKo-Perlas ng 6-2 sa fifth frame pero kumapit ang Water Defenders at naibaba sa dalawa ang hinahabol, 13-11.
Subalit umiskor sina Bersola at Ella De Jesus upang itakas ng Perlas ang mahirap na panalo.
“Sinuklian ko lang ‘yung tiwala na ibinigay nila sa akin, ibinigay ko ‘yung best ko dahil gusto ko rin talagang manalo kami,” wika ni Bersola.
Nag-ambag si Tiamzon ng 20 puntos habang may 10 markers si De Jesus.
Huling makakalaban ng BanKo-Perlas ang hindi pa nakakatikim ng kabiguan na Creamline.
Si three-time NCAA Most Valuable Player, (MVP) Grethcel Soltones ang namuno sa opensa para sa BaliPure na may 20 pts.