Mga laro ngayon (FilOil Arena)
10:00 a.m. — Air Force vs. Sta. Elena (men’s for 3rd)
1:00 p.m. — Cignal vs. Mega Builders (men’s for crown)
4:00 p.m. — Creamline vs. Air Force (women’s for 3rd)
6:30 p.m. — BaliPure vs. Pocari Sweat (women’s for crown)

Parehong dumaan sa butas ng karayom ang defending champion Pocari Sweat at BaliPure bago makarating sa finals ng Premier Volleyball League Open Conference.

Nasagad ang Lady Warriors at Water Defenders sa best-of-three semifinals.

Kinaldag ng three-time champion Pocari Sweat ang Air Force, pinayuko ng Reinforced Conference runner-up BaliPure ang top seed Creamline para ikasa ang finals duel.

Simula ngayong gabi sa FilOil Flying V Center sa San Juan ang bakbakan ng Pocari Sweat at BaliPure pagkatapos ng battle for third sa pagitan ng Cool Smashers at Lady Jet Spikers.

Umahon sa set down ang Lady Warriors para ipagpag ang Water Defenders sa sudden death at sikwatin ang korona sa PVL Reinforced Confe­rence noon June.

Resbak ang sigaw ng BaliPure, dominasyon naman sa Pocari Sweat sa event na inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Mikasa at Asics.

“I don’t look at it as a rematch. We’ll just go out there and play our best,” hayag ni BaliPure coach Roger Gorayeb. “But it’s a different feeling if you play in the championship so I will just rely on their aggressiveness and teamwork.”

Ibabandera ng Water Defenders sina Grethcel Soltones, Risa Sato, Aiko Urdas, Jerrili Malabanan, ace setter Jasmine Nabor at libero Lizlee Ann Pantone.

Itatapat ng Lady Warriors sina power hitter­ Myla Pablo, Jeanette Panaga, Desiree Dadang, Jessey de Leon, Elaine Kasilag, playmaker Gyzelle Sy at libero Melissa Gohing.