PVL: Lady Maroons burado sa Lady Falcons

pvl-up-adamson

Hindi pinaporma ng Adamson ang UP sa dulo ng decider para igapang ang sagarang 17-25, 25-21, 19-25, 25-19, 15-9 panalo sa Premier Volleyball League Collegiate Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan kagabi.

Sinamahan ng Lady Falcons ang Arellano at San Beda sa Group B lead sa 1-0.

Sa likod nina Eli Soyud at Jema Galanza, kumalas ang Adamson mula sa hatakang fifth set, iniskor ang last six points para basagin ang 9-9 count. Kumonekta si Soyud sa ilang off-speed hits at minanduhan ni Galanza ang service box para kumpletuhin ang panalo ng mga taga-San Marcelino.

Sa first game, sinakmal ng National University sa tatlong sets ang Lyceum of the Philippines 25-17, 25-16, 25-2.

Nagsanib-puwersa sina skipper Jaja Santiago at Risa Sato sa nilistang tig-11 points para isalo din ang Lady Bulldogs sa unahan ng Group A kasama ang Far Eastern University at Ateneo sa 1-0.

Tumipa rin si Jorelle Singh ng eight points para sa NU hinawakan na ni coach Babes Castillo. Namigay ng 27 excellent sets at six points si star setter Jasmine Nabor.

“It feels good, of course. But more than that gustong-gusto ko the way we worked together today,” saad ni Castillo. “I appreciate the win but again hindi pa rin yun ang gusto namin. What’s good about it ay mayroong working system na.”