Iginapang ng Pocari Sweat ang pahirapang 25-19, 25-20, 29-27 panalo­ kontra Hair Fairy Air Force at nakasiguro na ang Lady Warriors ng panga­lawang silya sa semifinals ng Premier Volleyball League Open Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan kagabi.

Angat ang Pocari sa 5-1 card para samahan sa susunod na yugto ang ­unbeaten Creamline Cool Smashers.

Dalawang beses lumayo ng tatlo sa third set ang Lady Warriors, pero hindi­ naisara ang panalo nang mag-error si Maricar Nepomuceno. Bumawi ng back-to-back hits si Myla Pablo para makapuwersa ng deuce.

Huling nagbuhol sa 27-27, natawagan ng net violation ang Lady Jet Spikers­ bago humataw si Pablo mula sa likod at sinelyuhan ng defending champions ang ‘W’.

Laglag sa 4-2 ang Air Force, nanatili sa third pero kailangang talunin ang Adamson sa Sabado para makasiguro sa semis.

Sa unang laro, pinaypayan ng BaliPure ang tsansa sa Final Four nang kalusin ang Adamson 25-18, 25-23, 19-25, 25-20.

Sa 3-3 card, kailangang maipanalo ng Water Defenders ang huling­ laro para makahirit ng playoff sa next round. Kasalo ng BaliPure ang BanKo-Perlas sa fourth, pareho pa ­silang may laro sa Linggo.

Pinangunahan ng 16 points ni Jerrili Malabanan ang BaliPure, may 14 si Grethcel Soltones.

“Palaging ganito, buti na lang at nakahabol kami,” bulalas ni BaliPure coach Roger Gorayeb. “Kung gusto nilang manalo at makapasok sa semifinals, kailangan ayusin nila mga laro nila sa huli naming laban.”

One Response

  1. i think its gonna be pocari vs cream line for the title at showdown ng itinuturing ngayon ng pvl na pinakamatikas na player pablo vs valdez , at ang mananalo dapat humarap sa petron para sa best of 5 philippine volleyball championship