Muling pinasan ni Myla Pablo ang defending champion Pocari Sweat sa huling panalo kontra Adamson Lady Falcons, 25-23, 25-14, 25-19, nitong Linggo sa Premier Volleyball League Open Conference sa The Arena sa San Juan.

Kumayod si power hitting Pablo ng 17 points mula sa 14 kills at three blocks para itulak ang Lady Warriors sa 4-1 karta at makasiguro ng playoff sa semifinals.

Sa likod ng mga numerong nirerehistro, umangat si Pablo sa individual­ statistics at naungusan na sa Most Valuable Player race si superstar Alyssa Valdez ng Creamline.

Mula No. 4, tumalon si Pablo sa No. 2 sa nilistang 114 total points, si 23-year-old Valdez ay may 108 points.

Nasa tuktok si Diana Carlos (119) ng UP Lady Maroons.

Pero para sa dating National University star na si Pablo, hindi niya muna binibigyan ng pansin ang individual award. Mas gusto nitong makuha ang pang-apat na korona ng Lady Warriors.

“Focus muna ako sa pagtulong sa teammates ko para mag-champion ulit kami,” ani 23-year-old Pablo.

Three-time champion ang Pocari Sweat kasama ang pagkopo ng korona sa 2017 Reinforced Conference nang si Pablo ang hinirang na Finals MVP.