Mga laro sa Miyerkoles:
(FilOil Flying V Center)
4:00 pm – Adamson-Akari vs Pocari-Air Force
6:00 pm – PetroGazz vs Creamline
May tsansa pa ang Pocari Sweat-Air Force na sumampa sa semifinals ng Premier Volleyball League Season 2 Open Conference, subalit depende sa magiging resulta ng ibang laro ng kanilang kaagaw.
Nilista ng Lady Warriors ang pang-anim na panalo sa 13 laro matapos nilang kaldagin ang Iriga-Navy, 25-23, 25-20, 25-20, kahapon sa FilOil Flying V Center, San Juan.
Kailangang manalo ang Pocari Sweat sa kanilang huling laro at manalangin na hindi makawalong panalo ang PetroGazz upang makahirit ng playoff para sa No. 4 spot.
Kasalukuyang nasa pang-apat na puwesto ang Angels pasan ang 7-5 karta, may natitira pang dalawang laro sa 14-game elimination round.
Namuno sa opensa para sa Pocari Sweat si Myla Pablo na nagtala ng 14 points habang nag-ambag si Del Palomata ng 13 markers mula sa siyam na kills, tatlong blocks at isang service ace.
Tinapos ng Lady Oragons ang kanilang kampanya sa season-ending conference na may 3-11 card.
Nirehistro nina Grazielle Bombita at Hezzymie Acuna ang tig-walong puntos para sa Iriga-Navy.