Inunahan ng BaliPure at defending champion Pocari Sweat ang mga katunggali sa semifinals para dumikit sa champ­ionship ng Premier Volleyball League Reinforced Conference.

Sa unang laro sa The Arena sa San Juan kahapon, naisahan sa first set ang Water Defenders bago dinomina ang sumunod na tatlo para ipagpag ang Creamline 22-25, 25-23, 25-14, 25-21.

Pinangunahan ng 24 points mula sa 13 attack points at five kill blocks ni import Jennifer Keddy ang BaliPure. May 13 hits si Risa Sato at 11 pa kay Grethcel Soltones.

“We just focused on ourselves during the break. We practiced hard and got ready for the semis,” lahad ni Keddy. “Everyone just got together and worked together, especially in blocking.”

Kinagabihan, naligtasan ng defending champion ang Power Smashers 25-23, 25-19, 23-25, 22-25, 15-12.

Puwede nang selyuhan ng BaliPure at Pocari ang title duel kapag muling nanaig sa Game 2 ng best-of-three series sa Martes sa PhilSports Arena.

Pormang wawalisin ng Lady Warriors ang laban sa tatlong sets nang lumamang 16-10 sa third frame pero pumalag ang Power Smashers nang tuhugin pa ang third at fourth frames para humirit ng decider.

Sa fifth set, idinikit ni Myla Pablo ang Lady Warriors sa match point 14-13, kabyos ang atake ni Thai import Kannika Thipachot at ikinahon ng Pocari ang panalo.

Tumikada si American import Michelle Strizak ng 20 points para sa Pocari Sweat, tumapos ng 16 si star hitter Pablo.