
Kasado ang championship showdown ng Pocari Sweat at BaliPure matapos ipagpag ang mga nakatapat sa winner-take-all Game 3 ng semifinals ng Premier Volleyball League sa FilOil Flying V Arena sa San Juan kagabi.
Sa unang match, nagising ang Pocari Lady Warriors mula sa two-set deficit para ipagpag ang makulit na Hair Fairy Air Force Lady Jet Spikers sa marathon five sets 16-20, 20-25, 25-23, 25-19, 15-10.
Sunod ay pinagwagwagan ng BaliPure Water Defenders ang Alyssa Valdez-less Creamline sa mas madaling 25-22, 27-25, 25-23 win.
Sa ikalawang sunod na conference, magtutuos sa finale ang Water Defenders at Lady Warriors.
Sinamantala ng BaliPure ang service error ni Julia Morado bago kumonekta ng quick hit si Risa Sato para sipain ang Cool Smashers.
Game 1 ng Open Conference best-of-three finals sa Aug. 11, 6:30 p.m.
Ipinagdiinan ng Pocari kung bakit sila three-time champions, hindi nagpakabog kahit naiwan ng dalawang sets at halos tumukod na rin sa third pero lumutang ang experience sa dulo.
Mula sa bench, umariba si Heather Guino-o para magkamada ng five points at buhatin ang Lady Warriors para agawin ang panalo.
Mula roon ay nakipagtulungan si Guino-o kay Myla Pablo para giyahan ang Pocari sa come-from-behind victory.
Tumapos si Pablo ng 22 points na kinapalooban ng 18 hits at two service aces, naglista ng mahalagang 14 points si Guino-o mula sa 10 attack points at four service aces.