Walang balak si coach Rommel Abella na balasahin ang veteran lineup ng kanyang three-peat champion Pocari Sweat na muling isasabak sa Open Conference ng Premier Volleyball League ilang linggo mula ngayon.

Maliban sa intact na roster ng Lady Warriors na sumikwat ng pangatlong sunod na titulo nang kalusin ang BaliPure sa winner-take-all Game 3 ng ­Reinforced Conference, dalawang hitters pa ang balak idagdag ni Abella­ panghalili sa spots nina Michelle ­Strizak at Krystal Rivers.

Nanamnamin ng Lady Warriors ang bunga ng pinaghirapan, pahinga muna ang mga ito ng ilang araw bago bumalik sa training.

Click ang roster at ang estratehiya ng Pocari na huwag magmadali, isa-isang laro lang.

“Our mindset has been taking it one game at a time — go to the elims, figure out what we can do, how we can ­advance,” lahad ni Abella. “It’s a step by step process.”

Nagamit nang husto ni Abella ang experience ng kanyang squad laban sa Water Defenders, napiga pa nang todo si replacement import Rivers.

Rumesponde si Strizak para buhatin ang team mula elims hanggang semis, lalo nang magka-injury ang kapwa ­import niyang si Edina Selimovic at hindi pa nakalaro agad si ­Rivers dahil hindi agad nabigyan ng ITC (International Transfer Certificate).

Sa quarters, pinangunahan nina Strizak at ang galing din sa back injury na si Myla Pablo, kasama sina locals Risa Sato, Desiree Dadang, Jessey de Leon, libero Melissa Gohing, Jeanette Panaga, Cai Nepomuceno, setter Gyzelle Sy, Fille Cayetano at Gayle Valdez para sipain ang Alyssa Valdez-led Creamline sa Final Four.