Pinahaba ng defending champion Pocari Sweat ang winning run sa lima matapos hablutin ang mahirap na 25-17, 25-17, 22-25, 18-25, 15-3 panalo laban sa Perlas kahapon sa inaugural Premier Volleyball League Reinforced Conference sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Nirehistro ni Myla Pablo ang 26 points at nilista ng Lady Warriors ang 5-2 karta, ipinalasap sa Spikers ang pangatlong talo sa anim na laro.
Siniguro ng Pocari ang panalo matapos itarak ang 10-1 abante sa deciding set.
Nakaporma na sa three-set victory ang Lady Warriors matapos hatawin ang 16-10 sa second technical timeout sa third frame, pero nag-iba ang ihip ng hangin pagbalik ng laro.
Kumana ng 11-3 run ang Spikers para makuha ang manibela, 21-19.
Tinabla muna ng Lady Warriors sa 22-all bago tinapos ng Perlas ang laban.
Nagpatuloy ang Perlas, umarangkada ng 5-0 sa fourth at saka itinala ang biggest lead 11-2 sa kill ni Dzi Gervacio.
“Mabuti nag-take charge si Myla kaya nakuha namin ‘yung panalo,” wika ni Pocari Sweat coach Rommel Abella.
Sa unang game, kumapit sa last two sets ang BaliPure para ipagpag ang Creamline 26-24, 17-25, 25-23, 28-26.
Pumalo ng 16 hits na kinapalooban ng 13 attack points si Risa Sato, may 15 points si Jerrili Malabanan at combined 22 points mula kina Grethcel Soltones at Aiko Urdas para itulak ang Water Defenders sa 4-1.
May 27 hits si Alyssa Valdez pero hindi napigil ang Cool Smashers sa pagdausdos sa 2-4.