PVL: Sagarang V-League double-header

PVL Logo

Parehong nadesisyunan sa sagarang five sets ang dalawang laro ng Premier Volleyball League Reinforced Conference sa PhilSports Arena kagabi.

Sa main game, nasolo ng Power Smashers ang No. 4 spot matapos paluhurin ang Creamline 17-25, 25-22, 25-18, 18-25, 15-10.

Matapos matisod sa unang set, bantay-sarado na ng Power Smashers si volleyball superstar Alyssa Valdez kaya nakuha ang panalo sa sets 2 at 3.

Naka-puwersa ng decider ang Cool Smashers pero inakbayan nina Thai imports Tipachot Kannika at Hyapa Amporn kasama si local Mary Dominique Pacres ang Power Smashers para makuha ang pang-apat na panalo sa walong laro.

Hawak ng Power Smashers ang 10-5 bentahe, umiskor si Valdez ng tatlong sunod upang ibaba sa dalawang puntos ang hinahabol ng Creamline, 10-8.

Agad tumawag ng time-out si coach Nes Pamilar at pagbalik ng laro ay kumana ang Power smashers ng dalawang sunod na puntos para hawakan ang four-point lead.

Semplang sa pang-lima ang Cool Smashers tangan ang 3-5 card.

Sa first game, napaka­walan ng BaliPure ang two-set lead pero nakabalik mula apat na puntos na pagkakaiwan sa decider para bawiin ang 25-21, 25-23, 16-25, 25-27, 15-10 panalo laban sa Perlas para palakasin ang tsansa sa semifinals.

May 24 points si import Jennifer Keddy sa Water Defenders na umangat sa 6-2 at hinigpitan ang kapit sa isa sa dalawang automatic semis berths ng season-opening conference na inorganisa ng Sports Vision.