Mga laro ngayon: (Sabado)
10:00 a.m. — Sta. Elena vs Mega Builders (men’s)
1:00 p.m. — Cignal vs Air Force (men’s)
4:00 p.m. — BaliPure vs Perlas (women’s)
6:30 p.m. — UP vs Creamline (women’s)
Krusyal na ang bawat laro kaya inaasahang umaatikabong bakbakan ang masisilayan sa salpukan ng BaliPure at BanKo-Perlas ngayong araw sa Premier Volleyball League Open Conference sa The Arena sa San Juan.
Target ang semifinals, magtatapat ang Water Defenders (2-2) at Perlas Spikers (2-3) sa alas-kuwatro ng hapon.
Nais naman ng Creamline na pahabain ang kanilang winning streak sa anim laban sa University of the Philippines sa pangalawang laro, (6:30 p.m.).
Napitas ng Cool Smashers ang unang ticket sa semis kaya tatlo na lang ang natitira.
Kailangan ng Reinforced Conference runner-up BaliPure at BanKo-Perlas na manalo sa kanilang natitirang laro upang magkaroon ng tsansa na makasampa sa susunod na phase.
Nasa pang-apat na puwesto ang Water Defenders, sasandalan nila si three-time NCAA Most Valuable Player (MVP), Grethcel Soltones upang masikwat ang inaasam na panalo.
Makakatulong ni Soltones sina Risa Sato, Jasmine Nabor at Jer Malabanan.
Galing sa panalo ang Perlas Spikers kaya siguradong ganado silang hahataw ng bola pagharap sa BaliPure.
Ibabangga ng BanKo-Perlas sina Nicole Tiamzon, Ella De Jesus, Kathy Bersola, at setter Jem Ferrer.
“Sana madala namin ‘yung momentum laban sa BaliPure, nag-gain kasi kami ng confidence matapos namin manalo,” wika ni Tiamzon.
Samantala, nasa hukay na ang isang paa ng Lady Maroons, isang kurap na lang at mamamaalam na ngayong conference.
Kasalo ng UP sa seventh to eighth places ang Power Smashers na may tig 1-4 cards.