Mga laro ngayon:
(The Arena, San Juan)
4:00 p.m. — Pocari Sweat vs Creamline
6:30 p.m. — Power Smashers vs Perlas

Puntirya ng defending champion Pocari Sweat at Creamline na pahabain ang kanilang winning streak sa apat suba­lit isa lang sa kanila ang maaa­ring matupad ang asam.

Nakatakdang magkaldagan ang Lady Warriors at Cool Smashers sa Premier Volleyball League Open Conference sa Filoil Arena sa San Juan ngayong alas-kuwatro ng hapon.

Parehong malinis sa tatlong panalo ang Pocari Sweat at Creamline, isa sa kanila ang magkakaroon ng mantsa.

Muling sasandalan ng three-time champion Lady Warriors si star player Myla Pablo na nagtala ng 30 puntos lahat galing sa spikes sa huli nilang panalo kontra Power Smashers, 25-19, 25-21, 23-25, 20-25, 15-11.

Ipantatapat naman ng Cool Smashers si three-time UAAP Most Valuable Player, (MVP) at volleyball superstar Alyssa Valdez para sikwatin ang pang-apat na panalo.

Tumikada si 23-year-old Valdez ng 23 points kasama ang 20 attacks at 14 digs sa kanilang ­huling laban sa Air Force, 25-19, 25-22, 22-25, 25-12.

Nais ni Creamline assistant coach Oliver Almadro na makakuha ng mga panalo bago umalis si Valdez papauntang Japan para sa training ng National women’s team.

“We really have to collect as many wins as we can because we know that Alyssa will be ser­ving the country,” wika ni ­Almandro.

Samantala, sisikapin ng Power Smashers na makuha ang unang panalo laban sa Banko-Perlas upang hindi mabaon sa ilalim ng team standings.

Wala pang panalo sa tatlong salang, makiki­paghatawan ang Power­ Smashers sa Perlas sa alas-6:30 ng gabi.