Mga laro bukas:
(The Arena, San Juan)
1:00 p.m. — Power Smashers vs Perlas
4:00 p.m. — Air Force vs BaliPure
6:30 p.m. — Pocari Sweat vs Creamline

Winalis ng import-less Perlas sa tatlong sets ang Philippine Air Force, 25-23, 26-24, 25-13 upang lumakas ang kanilang tsansa na makapasok sa semifinals kahapon sa 2017 Premier Volleyball League Reinforced Conference sa The Arena San Juan.

Hindi muna pinalaro ng Spikers ang kanilang imports na sina Rupia Inck ng Brazil at Japanese Naoko Hashimoto, maganda ang naging resulta dahil kumana si Dzi Gervacio ng 18 puntos.

Tangan ang 4-3 karta, nasa pangatlong puwesto ng team standings ang Spikers habang nalagay sa alanganin ang Lady Jet Spikers na nakabaon sa ilalim bitbit ang 1-6 card.

Top four teams lang ang papasok sa susunod na phase pagkatapos ng six-team double round robin.

Kailangan ng Air Force na ipanalo ang lahat ng tatlong natitirang laban upang makahirit ng laro sa Final Four.

Samantala, ligtas sa major injury si Pocari Sweat star Myla Pablo matapos ang kanyang x-ray subalit gusto ng team management na magpahinga muna ang kanilang player hanggang matapos ang elimination round.

“Ok naman yung x-ray pero kailangan niyang magpahinga,” patungkol ni Lady Warriors team manager Eric Ty.

Masama ang landing ni Pablo sa second set ng laban nila kontra BaliPure sa unang laro dahilan para magkaroon ito ng back injury.

Pagkatapos ng insidente ay hindi na nakalaro si Pablo at itinakbo na ito sa ospital.