Nakakabilib itong balita kamakailan tungkol sa isang hotel na tumatanggap ng mga empleyadong may down syndrome.
Napakahalaga na suportahan ng gobyerno ang ganitong mga inisyatibo. Bihira pa sa Pilipinas ang employment para sa mga persons with disability (PWDs), lalo na sa mga mentally challenged na indibiduwal.
Sa Amerika at ibang bansa, isinusulong ang PWD employment sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tax discount sa mga kompanyang kumukuha ng empleyadong may kapansanan – physically o mentally challenged man.
Mahalaga na may suporta ng gobyerno ang ­ganitong mga kompanya bilang reward sa pagbibigay ng ­oportunidad sa mga PWD.
Pero siguro, bago buhusan ng suporta ang PWD ­employment sa private sector ay kailangang pondohan muna ang mga SPED (Special Education) schools. Ito ‘yung mga eskuwelahan para sa mga special at gifted kids.
Dito sa Pilipinas, wala pa yatang public SPED school. Sa ngayon ay mga pribadong eskuwelahan pa lang ang nagbibigay ng SPED. Bukod sa iilan lang ay mahal ang pagpapaaral sa mga ito. Hindi makakayanan ng mahihirap na pamilya.
Bago kasi mabigyan ng tsansa sa trabaho ay importante na maibigay ang mahusay na edukasyon sa mga physically at mentally challenged na indibiduwal habang bata pa.
Dito lamang nila maaabot ang pinakamataas nilang ­potensyal upang makapamuhay nang normal at makapagtrabaho gaya ng mga walang kapansanan.