QC COP NIRATRAT

Mas minabuti ng isang miyembro ng Phi­lippine National Police (PNP) na sangkot umano sa pagbebenta ng iligal na droga ang mamatay kesa mahuli nang buhay makaraang maratrat ito nang maki­pagbarilan sa kanyang kapwa pulis na nagsasagawa ng buy-bust opera­tion sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Sa isunumiteng report kay QCPD Director Sr./Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nakilala ang nasawing suspek na si PO1 Reyadzper Ibba y Sayadi, 34, may asawa, nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Station-3, tubong Julu Sulu at residente sa No. 114 Maguin­danao St., Brgy. Culiat ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa imbestigasyon ni PO2 Jerome Dollente, may hawak ng kaso, naka-engkwentro ni Ibba ang mga elemento ng Regional Anti-Illegal Drugs, Special Operation Task Group (RAID-SOTG) na pinamumunuan ni P/Senior Insp. Jansky Jaafar at pitong personnel nito.

Nangyari ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa kahabaan ng Katipunan Avenue, SB Road, malapit sa kanto ng Gen. Luis Avenue, Brgy. Nagkaisang Nayon, Quezon City.

Lumilitaw na nagsa­gawa ng buy-bust ope­ration ang RAID-SOTG kay P01 Ibba, sa nasabing lugar, subalit sa kainitan ng transaksyon ay bigla na lang umanong nagbunot ng baril ang huli at pinaputukan ang mga kabaro nito.

Sa puntong ito ay gumanti nang mga putok ang mga operatiba at nasapul ng mga bala si PO1 Ibba na naging dahilan ng kanyang pagkasawi.

Narekober sa lugar ang tatlong basyo ng bala mula sa hindi mabatid na kalibre ng baril.

Nakakuha rin ng mga awtoridad sa bulsa ng nasa­wing suspek ng dala­wang plastic sachet ng shabu, isang Glock 17 pistola na baril na may 11 na bala; at extra na maga­zine na may 30 piraso ng bala, at isang Suzuki Raider 150 (3346-TA).

Patuloy naman ang ginagawang ­imbestigasyon ng CIDU sa nasabing ­insidente.