QC doctor patay sa Dengvaxia?

Patay ang isang medical doctor mula sa Quezon City matapos umanong makumpleto ang 3 shots ng kontro­bersyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia, ayon sa report kahapon.

Ang nasawi ay si Dr. Kendric Gotoc, isang doktor ng Rural Health Unit (RHU) sa Quezon City, tubong-Binalonan, Pangasinan. Base sa kanyang profile, siya ay Doctor of Internal Medicine, Occupational Medicine, Rabies and Animal Bite Management Specialist.

Sa ulat, sinabi ni Ilocos Region Councilor Ryan Gotoc, kapatid ng biktima, na nakumpleto nito ang tatlong dose ng Dengvaxia vaccination pero hindi ito sinabi sa kanyang pamilya.

Sinabi ng ilang doktor na katrabaho umano ng biktima na ni-require sila ng Department of Health (DOH) na magpa-inject ng Dengvaxia, na mariing pinabulaa­nan naman ng ahensiya.

“Malaking kasinu­ngalingan ‘yan, walang ganyang policy ang DOH, kung gusto nila magpabakuna, okay, kung ayaw nila okay lang din iyon, nasa kanila ‘yon,” ayon kay Health Secretary Francisco Duque na iniutos na ang masusing imbestigasyon sa kaso ni Gotoc.

Ayon sa ina ng biktima, napansin niya na nag-iba ang pisikal na hitsura ng anak nang huling umuwi ito sa Binalonan at marami itong pantal sa katawan.

Hindi pa nakakapagdesisyon ang pamilya ng biktima kung magsasampa ng demanda.
Ang labi ng doktor ay nakaburol sa Dagupan, Pangasinan. (Allan Bergonia/Juliet de Loza-Cudia)