QC inalis liquor ban, window hour sa pagbili pinatupad

Isang araw makaraang ianunsyo ng Pasay City ang paluwag sa liquor ban, sumunod na rin ang Quezon City sa nag-anunsyo na tatanggalin ang pagbabawal sa pagkonsumo at pagbebenta ng alak.

Sa Executive Order No. 31 na pinirmahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, papayagan na ang mga indibidwal at mga establisimyento na bumili at magbenta ng alak sa panahong pinatutupad ang modified enhanced community quarantine (MECQ).

Gayunman, mayroon lang oras para bumili at magbenta ng alak na magsisimula ala-1:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon.

Lilimitahan din ang mga supermarket, grocery, at sari-sari store sa pagbebenta ng alak na para lang sa personal na pagkonsumo.

Ang mga bibili naman nito ay kailangan na magpakita ng government-issued ID kung para sa personal na konsumo, o kaya naman ay valid business permit kung magre-resale ng alak.

Kailangan rin umanong inumin ang alak sa mga pribadong lugar o kabahayan habang pinatutupad ang MECQ.

Magsisimula ang kautusan ngayong araw, May 16.

“Any person, entity, or establishment found to be in violation of the provisions of this Order shall be meted sanctions, including but not limited to, closure, suspension or revocation of its permit or license, or in the case of unlawful consumption, possible arrest, and the filing of criminal charges under Republic Act No. 11332, or any applicable law or ordinance,” ayon sa kautusan. (Dolly Cabreza)