Sumiklab ang riot sa loob ng Quezon City Jail kahapon ng hapon makaraang magsagupa ang mga presong kabilang sa magkalabang gang sa loob ng nasabing bilangguan na sinasabing dahil sa isang seksing dalaw.

Base sa inisyal na impormasyon, nag­liparan ang mga pana at bato habang nagrarambulan ang mga miyembro ng Commando Gang at Bahala na Gang sa nasabing bilangguan na matatagpuan sa Brgy. Kamuning.

Siyam na preso ang nasugatan na kinilala ni Quezon City Jail warden Supt. Ermelito Moral sa mga pangalang Erwin Maliwat, Michael Enciso, Alexander Baura, Joel Solano, Jojo Responte, Allan Aquino, July Doblon, Roberto Romero at Rodrigo Vinluan.

May ulat din na isang pulis ang nasugatan matapos umanong tamaan ng bubog sa kanyang noo.

Isang ginang na dumalaw sa kanyang asawa na nakakulong sa city jail dahil sa kasong may kinalaman sa droga, ang nagkuwento na dakong alas-4:40 ng hapon habang nag-uusap sila ng kanyang mister nang bigla na lamang sumiklab ang riot sa pagitan ng dalawang grupo.

“Ang alam ko po nagkagulo dahil sa isang babaeng duma­law pero hindi ko alam kung bakit,” sabi pa ng ginang na ayaw magpabanggit ng kanyang pangalan.

Natigil lang ang riot nang rumesponde na ang mga tauhan ng Quezon City Police District-Station 10 upang tumulong sa mga jail guard na mapayapa ang sitwasyon.

Wala namang iniulat na nasaktan o nasugatan sa mga du­malaw na kaanak ng mga preso dahil mabilis umanong pinalabas ito ng mga awtoridad para hindi madamay sa riot. (Dolly ­Cabreza)