Umabot na sa 12 barangay sa Quezon City ang isinailalim sa extreme enhanced community quarantine ng pamahalaang lokal.

Base sa Quezon City COVID-19 media bulletin na inilabas nitong Martes, kabilang sa mga barangay na lalo pang hinigpitan ang community quarantine ay ang mga sumusunod: Tandang Sora, Kalusugan, Ramon Magsaysay, Maharlika, San Isidro Labrador, Tatalon, Damayang Lagi, Batasan Hills, Masagana, Bagong Silangan, Pasong Tamo, at Central.

Matatandaang nauna nang inilagay sa extreme enhanced community quarantine ang mga barangay ng Tandang Sora at Kalusugan noong nakaraang linggo.

Sa media bulletin ng pamahalang lungsod, sinabi na walang pasyenteng may coronavirus disease 2019 sa Brgy. Central subalit isinailalim pa rin ito sa extreme enhanced community quarantine dahil may mga ospital na matatagpuan dito.

Hindi naman isinama ang Brgy. Old Balara dahil may isa lang itong “active case” matapos na masawi na ang isa habang gumaling naman ang isa pa.

Hindi rin isinama ang Brgy. Bagong Lipunan na mayroong tatlong COVID-19 patient dahil magkakasamang nakatira umano ang mga ito sa isang bahay.