QCPD chief: Pulis sa checkpoint irespeto

Pinaalalahan ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na irespeto at sundin ang mga awtoridad na nagbabantay sa mga checkpoint at maging ang mga nagpapatrolya sa mga barangay.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. Ronnie Montejo, pinapatupad lamang ng mga alagad ng batas ang enhanced community quarantine.

“Huwag po naman nating awayin o bastusin ang ating mga pulis o sinoman po na nagpapatupad lamang ng kanilang tungkulin. Sumunod po tayo sa batas at sa mga umiiral na patakaran o polisiya ng gobyerno sapagkat maari po kayong arestuhin at makasuhan kung kayo ay lalabag,” sabi ni Montejo sa isang pahayag nito.

Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na dapat sumunod din ang kapulisan sa mga iniisyung panuntunan ni PNP Director General Archie Gamboa sa pagmamando ng mga checkpoint.

“Kailangan alam ng mga personnel natin kung ano ang mga bawal at mga hindi bawal at kung ano ang hinahanap sa mga quarantine checkpoints. Halimbawa sa mga sasakyan, bawal na ang mga public mass transport kaya hindi na dapat bumiyahe ang mga pampaseherong jeep, bus, tricycle at iba pa,” ani Montejo.