Tuloy ang sibakan sa hanay ng mga pulis sa Metro Manila. Ang pinakahuli ay ang pagkakatapon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ng isang police station commander ng Quezon City Police District.
Sa panayam ng media kay acting District Director, Police Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar na sinibak niya sa puwesto si P/Supt. Victor Padilla Pagulayan, station commander ng Talipapa Police Station (PS3) epektibo noong Lunes.
Habang patuloy ang sibakan, tuloy din ang pagpapaulan ng banta ang mga sindikato ng drug lords sa pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa mga sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot. Dahil ang pulisya ang nasa “frontline” ng giyera, sila ang unang puntirya ng mga sindikato.
Katunayan bilang panakot, isang korona ng patay ang ipinadala kay Quezon City Police District Director Sr. Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar.
Isa itong malinaw na death threat dahil si Eleazar, bilang hepe ng pulisya sa Quezon City, ay isa sa mga masigasig sa pagtupad sa iniatang na misyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Bagama’t walang direktang pag-amin, ang impormasyong ito ay hindi rin naman itinatanggi ni Eleazar.
Sa kabila nito, nanindigan si Eleazar na hindi siya papatinag sa kanyang tungkulin na tuluyang masugpo ang salot na droga.
Aniya ay abangan na lamang kung mayroon pang susunod na sibakan sa hanay ng QCPD dahil para sa kanya, ito ang natatanging paraan para maisakatuparan ang internal cleansing.
Sa pamamagitan kasi nito, mas magiging solido at seryoso ang paglaban sa droga.
“Ang pagbabago na inaadhika ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa at National Capital Region Police Director Chief Supt. Oscar Albayalde ay hindi drawing.
“Para sa amin, dito sa ibaba ng hanay na siyang tagapagpatupad ng kampanya ay sineseryoso ang nasabing misyon. Hindi tayo padadala sa mga death threat. Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya,” deklara ni Eleazar.
Palagay natin ay nararapat ding halungkatin at muling imbestigahan ang malalaki at kontrobersyal na kaso na hinawakan ng sinibak na mga opisyal. Ngayong wala na sila sa dati nilang puwesto, baka may makalkal kayong mga katiwalian ng pang-abuso sa tungkulin kagaya ng hulidap, at extortion bukod pa sa pagkakasangkot sa iligal na droga.