Quarantine hotel yucky sa ipis, basura

Labis ang pagkadismaya ng mga bagong dating na mga Pinoy seaman o marino sa dinatnang quarantine facility sa bansa na bukod sa dugyot sa tambak na mga basura ay puno pa ito ng mga ipis.

Agad na humingi ng tulong ang mga marino sa ABS-CBN para maaksyunan ang kisadlakang kalagayan. Ayon sa reklamo, kararating lang nila mula sa 14-oras na biyahe galing sa London noong Sabado at alinsunod sa naging utos sa kanila ay kailangan nilang sumailalim sa 2 linggong quarantine sa isang hotel sa Quezon City.

“ Lahat po kami disappointed po sa mga nakita namin kasi sobrang pagod na po talaga kami. Ang dami naming pinagdaanan,” sabi ng overseas Filipino worker na si Mike Navalllo na nagsabing sandwich lang umano ang pinakain sa kanila sa buong biyahe.

“Ano po kami dun sa barko, COVID-free po kami. Healthy po kaming uuwi dito ng Pilipinas parang feeling namin mas magkakasakit pa kami dahil sa kina…kakahinatnan namin dito…

Parang dito pa kami magkakasakit…pati sa stress, ” himutok pa nito.

Anila, sila pa ang nagturo sa mga staff ng hindi pinangalanang hotel sa Quezon City sa tamang paglilinis ng mga kwarto gayundin sa paggamit ng mga tamang gloves sa pagdi-disinfect ng comfort room.

“Nagtatrabaho po kami sa cruise ship so alam po namin yung standard ng kung ano ba ‘yung paglilinis,” sabi pa Navallo.

Wala umano silang alam kung sino ang pumili sa kanilang hotel.

“Sabi po ng mga taga-DOH dito…manning agency daw po yung pumili nitong hotel namin. Ang sabi naman po ng manning agency, approved daw ng DOH/Bureau of Quarantine (BOQ) itong hotel,” dugtong ng bagong dating na seaman.

Bukod sa dugyot na hotel, binawalan din umano silang mag-post sa social medical at magpa-interview at kung hindi makakasunod ay kukumpiskahin ang kanilang mga cellphone, alinsunod sa kopya ng 14-day Quarantine House Rules na may logo at letterhead ng DOH at BOQ.

Anila, wala silang choice kundi iparating ito sa media dahil sa hindi maayos na pagtrato sa kanila.

“Gusto lang po namin na sana maayos po yung kalagayan namin dito. Kahit hindi po kami ilagay sa magarang hotel, basta alam po naming malinis yung kalagayan naming,”dugtong pa nito.

Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa umanong aksyon ang DOH at ang manning agency sa kanilang reklamo.