Quarry operator sa Rizal ipasasara ni Cimatu

Ipinahayag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na kanyang ipasasara at ikakansela ang permit ng isang quarry operator sa Masungi Geoparkm sa Baras, Rizal.

“Bukod sa pagsasara, tatawagin namin sila at bibigyan ng notice of violation kaugnay sa kanilang ginawa,” ayon kay Cimatu.

Nabatid na perso­nal na nagtungo sa nasabing lugar si Cimatu noong Lunes para kumpirmahin ang quarrying operation ng Rapid City Realty and Development Corporation na binakuran ang may 2,000 hektaryang ecotourism at conservation site.

Pinatanggal ni Cimatu at sinamsam ang mga barbed wire na ikinabit sa mga puno ng tibig sa lugar.

Napag-alaman na ang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng nasabing kompanya ay iginawad ng DENR noong 1998. Tinitingnan na ito nga­yon ng Mines and Geosciences Bureau (MGB).

Samantala, sinabi ni Cimatu na inutusan din niya ang MGB para suriin din ang MPSA ng da­lawa pang quarry ope­rator – ang Quarry Rock Group Inc. at Quimson Limestone Inc. — na kasama ng Rapid City ay nagpapatakbo sa loob ng Upper Marikina Ri­ver Basin Protected Landscape gamit ang mga MPSA na kanilang nakuha noon pang 1990s.(Riz Dominguez)