Nabunyag sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) ang kakulangan sa local permit, documentary requirement at fees collection ng mga quarrying ope­ration sa Zambales dahil sa kabiguan diumano ng pamahalaang panlalawigan na i-monitor ito.

Sa kabila umano ito ng pagtaas ng koleksyon sa buwis mula sa quarrying ope­ration na mula sa P9.82 milyon noong 2016 ay pumalo sa P23.13 mil­yon noong 2018.

“It was apparent…that there was a sudden increase on the taxes collected from quarry operations which only proves that it could be a good source of income by the Province,” ayon sa 2018 Annual Audit Report ng COA.

Batay sa rekord ng Environment and Na­tural Resources of Zambales (ENROZ), may 118 operator at indibiduwal ang nakapag-apply para sa Special Extraction Permit (SEP), pero nasilip ng mga state auditor na ang iba sa mga ito ay hindi nakakuha ng SEP bago pa nagsagawa ng quarrying operation.

Sa kanila umanong pagsusuri sa Quarry Production Report ng ENROZ, natuklasan na may 40 operator/individual ang patuloy na nagsasagawa ng quarrying operation sa kabila ng napaso na ang inis­yung SEP sa kanila.

May 10 operator/individual naman umano ang nagpatuloy sa kanilang quarrying operation bago pa man nabigyan ng Commercial/Industrial Sand and Gravel Permit.

Inamin naman ng ENROZ na sanhi ito ng pagkaantala ng pagbibigay ng SEP gayunman ay nakapag-apply na umano ang mga operator para sa regular permit hindi nga lang nakumpleto ang mandatory requirements sa kanila.

Ayon sa COA, binigyan ng permit ang mga operator pero nabigo ang mga ito na sumunod sa basic requirement katulad ng letter of intent, application form, mayor’s permit o valid ID card.

Pinaliwanag naman ng ENROZ na kanilang tinanggap ang mga aplikasyon kahit hindi pa kumpleto sa requirements basta’t isusumite rin nila ito bagay na sinita ng COA dahil sa pagiging maluwag umano sa monitoring.

Inatasan ng COA si Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr. na atasan ang kanyang mga opisyal na siguradu­hing kumpleto muna ang mandatory requirements ng mga quarry operator bago sila bigyan ng permit at bumuo ng isang task force na magsasagawa ng regular inspection sa mga quarrying operation. (Yves Briones)