Quezon fire kumitil ng 2 paslit

Patay ang magkapatid na paslit makaraang masunog ang kanilang bahay sa Sitio Banaba, Barangay Bulakin 2, Dolores, Quezon kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga nasawi na sina Joshua Diaz Plata, 7-anyos at Dave 5 taong gulang.

Batay sa imbestigasyon ng Dolores police, bandang alas-10:45, natutulog na umano ang dalawang bata kasama ang panganay nilang kapatid na si Christian nang biglang magliyab ang bahay.

Nagising si Christian at agad humingi ng tulong subalit pagbalik nila ay tupok na ang kanilang bahay kasama ang dalawa nitong kapatid.

Ayon kay Christian, wala umano ang kanilang mga magulang nang maganap ang sunog at posibleng ang natumbang kandila ang pinagmulan ng sunog.