QUIAPO BLAST: 13 sugatan; 2 kritikal

Umakyat na sa 13 ang sugatan at dalawa ang nasa kritikal na kondisyon dahil sa pagsabog ng pipe bomb sa isang peryahan sa Quiapo, Maynila kagabi.

Sa ibinigay na update ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde, nasa ospital pa ang dalawang biktima na napuruhan sa pagsabog, habang nakalabas na ng ospital ang 11 nahagip ng shrapnel.

Ilan sa biktima ay wasak ang pinti malapit sa puwitan at isang biktima ang naputulan ng paa.

Alas-10:50 kagabi nang mangyari ang pagsabog sa peryahan na nakaposte sa Quezon Blvd., sakop ng Brgy. 39.

Ayon kay Albayalde, dalawang anggulo ang sinisilip na motibo sa pagpapasabog — ito ay ang posibleng away sa sugal at gang war.

Bukod sa intelligence team ng Manila Police District (MPD), tumutulong na rin sa pagkilala sa mga suspek Ang mga Barangay officials.

Sinisikap ding makakuha ng CCTV footage malapit sa blast site upang makilala ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na naghagis ng bomba.