Muling nabalot ng takot ang Quiapo, Manila makaraang dalawang kahina-hinalang bag ang natagpuan hindi kalayuan sa Golden Mosque kahapon ng umaga.

Agad na napasugod ang mga kagawad ng Manila Police District (MPD) at kinordonan ang nasabing lugar kung saan nakita ang isang itim na backpack at isang pink luggage bag.

Base sa imbestigasyon, walang umangking residente sa naturang lugar sa nasabing mga bag sa kabila ng panawagan ng mga pulis at barangay officials.

Nang siyasatin ng mga barangay official ay nakita na mga damit ang laman ng mga bag. At makalipas ang ilang minuto ay isang lalaki ang umangkin dito.

Magugunitang tumaas ang alerto ng MPD sa Quiapo, Manila matapos ang dalawang magkasunod ng pagsabog sa Norzagaray Street noong araw ng Sabado.