Nanindigan ang Manila Police District Homicide Section gayundin ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na hindi bahagi ng tero­rismo ang kambal na pagsabog na naganap kamakalawa ng gabi sa Quiapo, Maynila sa halip ay isa umano itong away-Muslim.

“Sa ngayon po ay ­hindi pa natin masabi pa o matukoy kung ano talaga ang anggulo ng pagsabog pero malaki ang ating nakikita na hindi ito isang act of terrorism,” pahayag ni NCRPO director Oscar Albayalde.

Ayon pa kay Alba­yalde, kabilang sa mga tinitingnan nilang ­anggulo ang away-pamilya at ­personal grudge.

Sinabi naman ng ­Manila Police na isa itong away-Muslim.

Nauna rito, muli na ­namang inangkin ng ­Islamic State na sila ang may kagagawan sa ­naturang pagsabog subalit hindi kumbinsido rito ang mga imbestigador.

Ayon kay PO3 Ryan Balagtas, kilala na ang Grab driver na namatay sa naturang pagsabog pero tumanggi itong ibigay ang pagkakilanlan ng driver dahil isasailalim din sa imbestigasyon ang ‘Grab Express Rider’ para matukoy kung sino ang nagpadala ng ‘package’ na naglalaman ng bomba.

Gayunpaman, sa ­impormasyong nakuha sa site nakilala ang grab driver na si Mark Anthony Torres.

Una nang sinabi ni Albayalde na ang ‘package’ ay pinick-up ng Grab rider sa SM Manila para ideliber kay Atty. Nasser Abinal na isang Imam at umaming nakakatanggap na ng mga death threat.

Base sa hawak na saksi ng MPD-hs, tatlong beses pa umanong nagtanong ang Grab driver kung nasaan si Abinal.

Lumalabas na hindi umano tinanggap ng caretaker na si Mohammad Abinga ang package at ibinalik sa Grab driver para ibalik naman sa nagpadala nito dahil na rin sa nakakatanggap na ng death threat si Abinal. Pero hindi pa man naibabalik ng rider sa motor ang package ay sumabog na ito.

“Hindi ito act of terro­rism malamang ito ay away ng Muslim sa Muslim kasi kung terorismo ito hindi ito ide-deliver sa isang tao kundi ilalagay ito sa isang mataong lugar para mas malaki ang magiging pinsala,” ayon kay SPO2 Jonathan Bautista, imbestigador din ng MPD-hs.

Nalaman na magdamag at maghapong nagsagawa ng imbestigasyon ang iba’t ibang yunit ng MPD sa mga pinangyarihan ng pagsabog na ang una ay sa Globo De Oro at Palanca Street dakong alas-5:55 ng hapon habang ang ikalawa ay naganap sa Elizondo Street dakong alas-8:25 ng gabi.

Tiniyak ng MPD-hs na ang nasawing Grab driver ay biktima lamang sa naganap na pagsabog at hindi maituturing na suspek.

Pasado alas-11:00 na ng umaga kahapon nang maialis ang mga ­bangkay sa pinangyarihan ng ­insidente bago dinala sa Archangel Funeral.

Hindi pa rin nagpapalabas ng report ang MPD-Explosive and Ordinance Division kung anong pagkakilanlan ng bombang sumabog dahil patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon hanggang sa isinusulat ang balitang ito.

Kabilang sa mga ­nasugatan sa kambal na pagsabog ay nakilalang sina Jaber Gulam, ­tubong Lanao Del Sur; Datu Sohair Adapun, tubong Marawi City, na kapwa isinugod sa Mary Chiles Hospital; Hajhi Ali, residente ng Gunao, Quiapo na isinugod sa University of Sto. Tomas Hospital habang hindi pa nakilala ang ikaapat na biktima na nagtamo lamang ng minor injuries.

Sa hanay ng pulisya, sugatan naman sa ikalawang pagsabog sina P/ Chief Inspector Elisa Arturo, ng MPD Crime Laboratory; at PO2 Aldrin Resos, ng MPD-EOD.

One Response