Karamihan sa sinalihan ni Pilipino teenage chess sensation International Master Daniel Quizon ngayong taon ay mga blitz tournament.
Halos lahat ay pinagwagian ni 14-anyos na woodpusher.
Kasama ang Battle of the Grandmasters sa PACE Center sa Quezon City nitong Martes nang gabi.
Ang kampanya niya sa torneo’y bilang paghahanda sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games na iho-host ng bansa sa Nobyembre 30-Disyembre 11.
Pero ang tanong, kaya bang manalo ng batang woodpusher sa biennial meet?
“We will do our best to win it,” taas noong saad ni Quizon.
Umiskor siya ng 12 points sa 15-player single round robin sapat upang sikwatin ang korona sa blitz ng Battle of the Grandmasters.
Inungusan ni Quizon sina Olympiad Grandmasters Darwin Laylo, Rogelio ‘Banjo’ Barcenilla Jr. at John Paul Gomez, IMs Paulo Bersamina, Haridas Pascua at Jan Emmanuel Garcia at Woman GG Janelle Mae Frayna.
Makakasama ni Quizon si David Elorta sa SEA Games blitz event.
Pero bago makuha ni Quizon ang inaasam na medalyang ginto sa SEAG, kailangan niyang hakbangan ang kilabot na Vietnam squad ni former world blitz champion GM Le Quang Liem. (Elech Dawa)