Naglunsad ang TNT KaTropa ng nakakangilong atake sa third quarter para lagukin ang 118-97 win laban sa Phoenix at selyuhan ang huling silya sa PBA Philippine Cup quarterfinals sa Smart Araneta Coliseum kagabi.

Humarabas ng 40-27 scoring sa third period ang TNT para siguruhin ang biyahe sa next round.

“Buhay pa!” bulalas ni TNT coach Nash Racela. “At this point in the conference I think all you want is a day to live.”

Mas mapipiga lang ang Texters dahil ang San Miguel Beer ang makakatapat, may handicap pang twice-to-win laban sa top seed defending champions simula bukas sa MOA Arena.

Kinamada ni Jayson Castro ang 10 da kanyang 17 points sa third, nagawa pang ipahinga ni Racela si Troy Rosario nang bumuka ang kanilang lamang.

Inumpisahan ng TNT ang second half sa pasabog na 21-6 run para dumistansiya ng 75-55 mula sa manipis na 40-36 bentahe sa break.

Tinapos ng Texters ang period na malayo na sa 94-76, mula roon ay hindi na lumingon.

Garahe pa rin si Rosario ng team-high 18 points – lahat sa first half – mula sa 4 of 7 shooting sa 3-point area. May 9 assists at 8 rebounds pa si Castro, umayuda ng 17 si Jericho Cruz na 4 of 7 din sa long range.

Bakasyon muna ang Fuel Masters na bigong buhatin ng 18 points ni Matthew Wright.