ANG usapan pala ay sa ikatlong araw lang magbabawas ng sinehan ang ibang mga pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival 2017, pero sa first day pa lang noong Christmas day ay nabawasan na raw ng 16 theaters ang pelikulang Ang Larawan na pinagbibidahan nina Paulo Avelino, Rachel Alejandro at Joanna Ampil.

Ayon sa isa sa producers ng pelikula na si Ms. Girlie Rodis, ang ibang sinehan nila ay naibigay na sa ibang mga nangungunang pelikula sa 3rd screening pa lang.

“‘Yung mga nawala sa amin, ‘yung mga sinehan na iilan lang ang butas (‘yung mga mall na iilan lang ang sinehan). ‘Yung iba naman, natapos namin ‘yung first day,” sabi ni Tita Girlie.

Pero may mga sinehan daw na mas mahal ang bayad ang napupuno naman ang bawat screening.

“Naibigay kasi sa amin ‘yung mga mamahaling sinehan, ‘yung mga tig-P400 ang bayad, kaya maganda naman ang kita namin. ‘Yung sa mga AB, tinatao naman, kaya very thankful pa rin kami.

“Actually, ang crowd kasi namin, mga nasa bakasyon pa. Sana nga abutan nila ang Ang Larawan sa mga sinehan,” pahayag pa niya.

Happy raw ang producers ng Ang Larawan sa kinita ng kanilang pelikula noong 1st day nila, pero hindi raw nila puwedeng sabihin kung magkano ‘yon.

Pati raw sa reviews ng Ang Larawan, masaya sila at hihintayin na lang daw nila anf resulta mamayang gabi ng awards night ng MMFF 2017.

***

MUKHANG malakas nga ang dating talaga ng Gandarrappido: The Revenger Squad dahil nang tanungin namin ang dalawang dalagita ni Ruffa Gutierrez na sina Lorin at Venice Bektas kung ano’ng MMFF 2017 entry ang panonoorin nila, Gandarrappido: The Revenger Squad ang sagot nila.

Ilang mga kaibigan din namin ang nagsabing ang pelikula ni Vice ang type nilang panoorin.