BROADWAY-BOUND si Rachelle Ann Go para sa Broadway revival ng hit musical na Miss Saigon.

Matagal-tagal na naming nari­nig ‘yung tsika na si Rachelle Ann ang gaganap sa papel ng Vietnamese bar girl na si Gigi Van Tranh sa Broadway.

Ngayon ay kumpirmado na dahil luma­bas na ang balita, na ikinatuwa nang husto ni Shin (palayaw ng singer-actress) na aminadong gustong-gustong mag-Broadway matapos niyang ma-experience ang West End sa London.

Kasalukuyang gumaganap si Shin bilang Fantine sa long-running musical na Les M­iserables sa London.

Ang alam namin ay hanggang November this year na lang si Shin doon, tapos ay uuwi siya ng ‘Pinas para mag-Pasko, bago siya sasabak sa kanyang bagong career sa New York.

Nagwagi si Shin ng Best Supporting Actress in a Musical sa 2015 What’s On Stage Awards para sa kanyang acclaimed performance sa Miss Saigon.

Si Jon Jon Briones pa rin ang Engineer at si Eva Noblezada ang Kim sa Broadway revival ng nasabing musical.

Ang Pinoy theater actor na si Devin Ilaw ang gaganap bilang Thuy.

“Hurray, Rachelle Ann Go!!!’ ang tweet ng original Kim ng Miss Saigon na si Lea Salonga, na eversince ay very supportive kay Shin.

Parang lume-Lea Salonga rin ang international theater career ni Rachelle Ann, na matapos mag-West End ay pa-Broadway naman.

Sana, gaya ni Lea ay magningning pa nang husto ang bituin ni Rachelle sa international stage at kilalanin pa lalo ang pambihirang talento ng mga Pinoy.

March 1, 2017 hanggang January 13, 2018 mapapanood ang Miss Saigon sa Broadway Theater.

Congrats, Shin! See you in New York!!!