Dalawang hinete ang masaklap na napenahan ng tig-isang taong suspension matapos na repasuhin ng Philracom ang kanilang mga kuwestiyonableng pananakay sa magkaparehong kabayo noong nakaraang buwan.

Si jockey Maximilliam V. Pichay ay unang pinatawan ng 24 racing-day suspension “for lack of interest” sa kanyang pananakay sa kabayong Caravaggio noong Hulyo 7, si jockey Dahlwill D. Pagar naman ay pinatawan ng 36 racing-day suspension “for lack of interest” din sa ibabaw ng nasabi ring kabayo noong Hulyo 12. Pareho itong nangyari sa San Lazaro Hippodrome.

Ang dalawang kaso ay inimbestigahan muli ng Philracom sa pamamagitan ng motu propio at noong Agosto 2 ay nagdesisyon na dagdagan ang kanilang suspension at gawing parehong tig-1 taon dahil sa bigat ng kanilang ginawa.

Sa imbestigasyon, inamin ni jockey Pichay ang kanyang kasalanan: “Aminado naman po ako na talagang hindi siya binigyan ng, hindi ko siya binigyan ng pagkakataon po para manalo. Hindi ko po inisip ganun ang mangyayari na, ganun siya kahirap i-biyahe, iskandalosong kabayo.”

Si jockey Pagar naman ay nagsabi din binigyan daw siya ng instruction na “wag pwersahin talaga.” Sinabi din niya na “sa tingin ko po saken mali po kasi masyado kong naawat.”

Halos pareho umano ang nakita “pag-awat ng mga hineteng ito sa kanilang kabayo” sa dalawang magkaibang okasyon.

Dahil dito, binago ng Philracom ang kanilang mga suspension at binigatan sila ng tig-isang taon dahil sa bigat ng kanilang kasalanan. Pati ang kabayong si Caravaggio ay itinaas din ng dalawang grupo dahil sa magkasunod na parusang tinanggap ng kanyang mga hinete sa dalawang okasyon.