Racing feature: Ano ang kahihinatnan?

Mainit ang balitaktakan ng magkakaibang panig sa meeting na ipinatawag ng Philippine Racing Commission noong nakaraang Huwebes sa Makati.

Tungkol sa isyu ng sabong sa mga OTBs ang nag-iisang topic na pinag-usapan at mara­ming representatives ng iba’t ibang sektor ng industriya ng karera ang nagsidalo sa pagtitipon.

Sinabi ng ating sour­ces na naging tagapamahala ng meeting ay si Com. Dondon Bagatsing, naroon din ang matataas na pinuno ng Manila Jockey Club, Philippine Racing Club, MetroTurf, ­Marho, Philtobo, Klub Don Juan de Manila, T­­ri-ORG, KASAPI at iba pa.

Unang pinagsalita umano ang pangulo ng KASAPI na si Nicson Cruz na nagsabing ang kanilang mga member-OTBs ang nagtatanong tungkol sa legalidad ng sabong sa mga OTBs. Sinabi ni Cruz na matagal na nilang hinahanap ang kasagutan sa legalidad nito noon pa mula sa Games and Amusements Board.

Marami umano sa kanilang ­member-OTBs ang natatakot na maipa­sara katulad ng ­nangyari sa Valenzuela City na da­lawang OTBs na ang ipinasara at apat ang binigyan ng final ­notice ng business permit and licensing office (BPLO) ng Valenzuela dahil sa kawalan ng permit mula sa Sanggunian ng ­Valenzuela.

Nagsipaglabas din umano ng ­sentimiyento ang mga horse ­owners dahil sa pagbagsak ng kanilang kinikita mula sa ganansya sa karera dahil sa pagpasok ng sabong sa loob ng OTBs tuwing oras ng karera.

Taliwas sa inaangal ng marami ang presentasyon ng MJCI tungkol sa kanilang operasyon at hindi umano ito nakaaapekto sa operasyon ng karera.

Nagtapos ang meeting na walang kongkreto pang basehan kung ano ang kahihinatnan ng mainit na isyu.