Pagpasok ng mga ‘Ber months, asahan na rin ang malalaking pakarera buwan-buwan hanggang Disyembre.
Kahapon ay pinaglabanan na ang JRA Cup, isang goodwill exchange race sa pagitan ng bansang Japan at Pilipinas. Inaasahan namang matindi ang labanan ng mga 3-year-old fillies sa Lakambini Stakes na 11 kabayo ang nominated.
Ang Lakambini Stakes ay labanan ng mga 3-year-old fillies habang halu-halong babaing kabayo ang maglalaban sa Sampaguita Stakes, kaya ito ang tinatawag na kampeonato ng mga babaing kabayo.
Magpapaligsahan din ang tatlong horse owners group sa pagpapakarera nila buwan-buwan.
Ang Klub Don Juan de Manila ay sa Oktubre magdaraos ng KDJM Derby habang ang Marho ay magpapakarera ng Breeders’ Cup Championships sa Nobyembre. Sa Disyembre ang Philtobo na ang pinakasentro ay ang Philtobo 2-Year-Old Championship.
Sa Nobyembre rin gaganapin ang Amb. Danding Cojuangco Cup na kampeonato ng mga imported at local runners sa bansa at may P2-million prize money na nakalaan dito.
Sa Disyembre ay gaganapin din ang pinakaprestihiyosong Presidential Gold Cup na mahigit P5-million na ang total prize money.
Kaya huwag na kayong pipikit dahil sunud-sunod na ang mga magaganda at malalaking papremyong karera na makikita natin sa tatlong karerahan.