PANIGURADONG isusunod na sa programa ng pagwawalis ng mga kriminalidad sa bansa ay itong paglaban sa illegal gambling.

Kaya naman ito ang naging punto ng pana­nalita ni dating Philippine  Marines Major Gene­ral Alexander Balutan, na siyang bagong Gene­ral Manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office, nang makapanayam siya sa live broadcast ng mga karera sa MetroTurf sa Malvar-Tanauan, Batangas.

“Binabalaan namin ang mga kasama sa mga illegal gambling na tumigil na kayo at suportahan na lamang ang a­ting pamahalaan na mapaunlad ang ating bansa sa mabuting pamamaraan,” ang pahayag mismo ni GM Balutan.

Alam mismo ni GM Balutan kung gaano kalala ang illegal gambling sa mga STL franchisees ng PCSO dahil sa mani­pulasyon nila kung kaya’t hindi nagiging sapat ang perang dapat sana ay pumapasok sa mismo sa PCSO.

“Dahil dito, masyadong kulang ang perang nagagamit namin para sa charity ng PCSO.

Napakarami tayong kawawang mga kababayan ang hindi nabibigyan ng tulong dahil sa kakulangan na rin ng sapat na  pera para sa charity ng PCSO. At yan ang tutugunan namin dito ayon na rin sa marching order sa amin ng Pangulong Duterte!” ang mariing sinabi pa ni GM B­alutan.

Alam din ni GM Balu­tan ang proliperasyon ng mga illegal bookies sa karerahan na isang dahilan kung bakit bagsak at hindi na lumago ang industriya ng karera sa bansa.

“Itong mga illegal gambling na ang isusunod ng pamahalaan na operasyon kaya hindi namin ito tatantanan. Sana naman ay tulungan ninyo kami sa aming mga proyekto na mapataas ang kinikita ng pamahalaan, ganun din ang PCSO, para naman makatulong tayo ng husto sa ating mga mahihirap na kababayan,” ang sabi pa ni GM Balutan, na iniluklok ni Pangulong Digong kapanabay na rin ng bagong PCSO chairman na si former Police Director Jose Jorge Corpuz.