RACING FEATURE: JRA Cup sa MetroTurf

Iho-host ng Metro Manila Turf Club ang pantaunang JRA Cup, ang exchange goodwill race sa pagitan ng Pilipinas at Japan na iniisponsoran ng Philippine Ra­cing Commission, sa Set­yembre 4 sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.

Tumataginting na P500,000 ang nakataya sa naturang karera na ini­hahandog sa Japan Ra­cing Association para lalo pang paigtingin ang pagkakaibigan at pagsasamahan ng dalawang bansa sa larangan ng industriya ng karera.

“Isang malaking karangalan ang mai-host namin sa unang pagkakataon ang pantaunang JRA Cup sa MetroTurf,” ang sabi ni MMTC chairman at president Dr. Norberto Quisumbing Jr.

Idinagdag pa ni Dr. Quisumbing na magpapadala ng dalawang representatives ang Japan Racing Association, isa sa pinakamalaking organisasyon ng karera sa buong mundo na namamahala ng 10 sa 25 karerahan sa Japan. Ang mga ito’y sina Mr. Hiroyuki Koezuka at Masashi Shoju ng JRA Hongkong Office.

“Ang kanilang pagdating ay lalong magpapatingkad sa nasabing event at nagpapatunay lamang kung paanong pinapahalagahan ng JRA ang kanilang pakikipagkaibigan sa atin sa larangan ng karera,” ang sabi ni Dr. Quisumbing.

Nagpadala ang MMTC ng dalawang mataas na opisyal nito – Ronald Alfeche at Andy Sevilla – bilang kinatawan sa ginanap na JRA Asia Week of Racing kamakailan sa Chukyo Racecourse sa Nagoya, Japan.

Highlights ng da­lawang araw na event ang pagkakaroon ng pakarera sa anim na bansa sa Asia na kinatawan ng kani-kanilang mga opisyales at isa na rito ang The Philippines Trophy.