Nanaig si Timeless Magic sa idinaos na 4th Philracom-NPC Cup, ang pinaka-highlight ng 2016 National Press Club Benefit Racing na ginanap noong Linggo sa MetroTurf sa Malvar-Batangas.
Sakay si Karbin Malapira, tinalo ni Timeless Magic ang na-llamadong si Sweetchildofmine para makuha ang P180,000 guaranteed prize na inisponsoran ng Philracom para fund-raising campaign ng NPC sa pamumuno ng pangulong si Paul Gutierrez. Natersero si Azarenka habang pumang-apat naman si Security Strength.
Samantala, nanalo naman ang dehadong si Yongong (Macho Uno-Mibelle) na pinatnubayan ni jockey Jonathan Hernandez sa 2016 PCSO National Grand Derby na sinalihan ng dalawang iba pang kalahok.
Naiuwi ni Yongyong ang top prize na P800,000 habang nasegundo naman ang na-llamadong si Guatemala na sinakyan ni Kelvin Abobo at pag-aari ni Com. Jun Sevilla, na nakakuha ng P250,000 second prize. Tersero si Dance Again na sinakyan ni AP Asuncion na nag-uwi naman ng P200,000.
Nagpasalamat si Gutierrez sa lahat ng tumulong para sa pagdaraos ng kanilang pakarera.
“Una naming pinasasalamat ang Philippine Racing Commission sa pamumuno ni Chairman Andrew Sanchez at pati na rin ang host club Metro Manila Turf Club sa pamumuno ni chairman at president Dr. Norberto Quisumbing Jr.,” sabi ni Gutierrez.
Dumalo rin ang iba pang mga opisyales ng NPC, kasama na si dating pangulo at ngayo’y vice president Benny Antiporda. Maraming sports photographers din ang nagsidalo at kumuha ng exciting na mga karera para ipanasali sa photo contest na inihanda ni Gutierrez para sa kanila.