Kahapon nagsimula ang 6th Philippine International Motors Show at nakaakit ng atensyon dito ay ang local launch ng Nissan GT-R35.
Maski tayo ay napailing dahil marami ang nagtatanong bakit ngayon lang ito ini-launch dito sa Pilipinas ganung isa tayo sa mahigit 14,000 foreign journalists na sumaksi sa international launching nito noong 2007 sa Japan.
Mahigit 1.4-million katao ang dumagsa sa 40th edition ng Tokyo Motor Show na inorganisa ng Japan Automobile Manufacturers Association sa Makuhari Messe sa Chiba City. Halos walong World Trade Center ang katumbas ng pinagdausan nito ng 17 araw kaya mantakin ninyo kung gaano ito kalaki.
Itinira kami sa magarbong ANA Hotel kasama ang lahat ng foreign journalists na inimbita ng Nissan. Bisperas ng opening ng Show ay dinala kami sa isang building, bumaba kami sa basement at naroon ang pira-pirasong bahagi ng GT-R na ilo-launch kinabukasan.
Pinagbawalan ang lahat na kumuha ng litrato o magpadala sa kanilang media outlets ng istorya tungkol sa nakita namin doon.
Kinabukasan ay ipinakilala sa isang launch ang pinakamabilis na kotse sa buong mundo nang panahong ‘yun.
Halos siyam na taon ang nakaraan ay ngayon opisyal na ipinasok sa Pilipinas ang GT-R na nakikita na natin sa ating mga daan ilang panahon na ang nakaraan dahil sa pagpasok nito sa ‘grey market.’
Balita natin ay ibebenta ito sa isang showroom lang sa halagang P7.35-million at inaasahang makabebenta ng halos tatlo bawat isang buwan. Ang siste ay nababalitang malapit nang lumabas ang bagong version nitong GT-R36 sa susunod na buwan at maibebenta na sa international market sa susunod na taon.
Ito ang kotseng hindi ninyo makikita na ordinaryong nakabalandra sa mga lansangan dahil ang bumili ay walang parking slot sa kanilang bahay tulad ng napakaraming naghambalang ngayon sa Kamaynilaan na nagdudulot ng grabeng trapik.