Racing Feature: Sensitibong isyu 

racing-feature andy sevilla

Hindi lang isa kundi limang tawag ang tinanggap ng Abante TONITE sa ilang mga ‘matitinding tao’ sa industriya ng karera kamakailan at nagtatanong kung kasama raw ba sa mga nagsubmit ng ‘courtesy resignation’ ang pamunuan ng Philippine Racing Commission kay Pangulong Digong Duterte?

Magandang katanu­ngan dahil sa lumabas na mga isyu tungkol sa pagbibitiw ng Bise Presidente Leni Robredo sa gabinete ni Pang. Digong, kasama na rin kay Commission on Higher Education (CHED) chair Patricia Licuanan.

Lumabas kamakailan na iniisa-isa na pala ngayon ni Pang. Digong ang mga appointees ni dating Pres. Noynoy Aquino sa mga government offices, ayon na rin sa sinabi ni Presidential spokesman Ernesto Abella.

Sinabi ni Abella na merong direktiba si Pang. Digong noon pang Agosto sa lahat ng appointees ni PNoy na mag-submit ng ‘qualified courtesy resignations’ para magkaroon siya ng free hand sa pagpuksa ng korupsyon sa pamahalaan.

Ito ngayon ang isyu na binubuklat sa atin ng limang tumawag kung nag-submit ang kanilang mga tinutukoy ng ‘qualified courtesy resignations’ kay Pang. Digong.

Isa sa mga tumawag ang nagsabing “nakabalita umano sila na ni isa sa kanila ay walang nag-submit ng courtesy resignation dahil meron umano silang fixed term of office diyan sa kanilang puwesto.”

Kung totoo man ‘yan nabalitaan nila, sa pana­nalita mismo ni Abella noong isang araw, sinabi niya na “kung sa tingin nila (appointees ni PNoy na nananatili pa sa kanilang puwesto hanggang nga­yon) na dahil sila ay may fixed term ay hindi na sila maiaalis sa puwesto, meron pong request para sa courtesy resignation.”

Isa sa mga tumawag ay nag-aalala dahil “masyado nang lumalala ang pagbagsak ng revenue sa karera at malaki ang posibilidad na lalo pang bababa ang sales ngayong taon kumpara noong isang taon kung saan nalista ang P7.7 billion noong 2015 laban sa P8.8 billion noong 2014.”

“Sino ba ang dapat sisihin sa ganitong situwasyon?” tanong ng tumawag sa atin.