RACING FEATURE: Stakeholders: Malacañang makialam na

Halos sunud-sunod na pagtitipon na ang nagaganap sa hanay ng mga horse owners, trainers, hinete, at ilan pang stakeholders sa industriya ng karera sa bansa.

Maraming isyu na ang bumabagabag sa kanila dulot ng patuloy na pagbagsak ng benta sa karera dahil sa mara­ming kadahilanan.

Ayon sa mga nakausap natin at ilang mapagkakatiwalaang sources ng Abante Tonite, narito ang ilan sa mga maiinit na isyung pinag-uusapan sa mga pagtitipon na kailangan nang tignan o bigyan ng pansin ng Malacañang:

·Ang patuloy na paghina ng benta sa karera na nagreresulta ng pagbagsak sa kinikita ng mga stakeholders sa karera. Pagkatapos na bumalik sa P8.2 bilyon ang kinita ng karerahan noong 2014, bigla itong bumagsak sa P7.7 bilyon noong nakaraang taon.

At mula Enero hanggang Hunyo nitong taong kasaluku­yan, umabot lang sa P3.6 bilyon ang kinikita ng tatlong karerahan at kung magpapatuloy sa average lang nitong P600 milyon kada buwan, mahihirapang makaabot sa P7.5 bilyon ang gross nga­yong taon.

·Ang patuloy na pakikialam ng Philracom sa mga responsibilidad ng tatlong karerahan sa bansa na sinasabing pangunahing dahilan kung bakit naaapektuhan ang promosyon ng karera. Imbes na makatulong, lalong gumulo ang maraming aspeto ng karerahan.

Ang pagpasok ng Sabong Online Betting sa loob ng off-track betting stations (OTBs) na labis na nagpababa ng benta sa dalawang karera­han (PRCI at MetroTurf) dahil ito’y itinatapat sa kanilang schedule sa karera. Sinasabing umaabot na sa P300 milyon ang perang pumapasok dito mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, na pera sanang pumapasok sa karera dahil ito’y nagaganap sa loob ng OTBs.

·Ang Injunction Order ng Mandaluyong Regional Trial Court laban sa 53 Resolutions ng Philracom.

·At maraming iba pa.

Hindi pa dito nagtatapos ang mga ito dahil ayon sa mga stakeholders, panahon na para makialam ang Malacañang sa industriya ng karera. Sinabi pa nila na maraming mga aktibidad na gagawin sa mga susunod na araw ang stakeholders ng industriya para mapansin.