Radio station manager inambus

Kritikal ngayon ang isang broadcaster matapos tambangan ng riding in tandem habang nag-aabang ng tricycle sa Brgy. New Isabela, Tacurong City, Sultan Kudarat, Miyerkoles nang tanghali.

Nakilala ang biktima na si radio station manager Benjie Abdul Caballero, ng “Radyo Ni Juan” sa Tacurong City.

Ayon kay Police Lt. Col. Lino Capillan, spokesman ng Police Regional Office 12, naganap ang insidente bandang ala-1:15, Miyerkoles nang tanghali habang nag-aabang ng tricycle ang biktima sa Brgy. New Isabela nang dumaan ang dalawang suspek na sakay ng hindi naplakahang motorsiklo.

Walang sabi-sabi ay nilapitan ang biktima at agad na binaril.

Agad na dinala ang biktima sa Saint Louis Hospital habang tumakas naman ang mga suspek sa hindi pa mabatid na direksyon.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up investigastion ang pulisya upang malaman ang pagkakakilanlan ng mga suspek at dahilan ng pag-asinta sa biktima. (Vick Aquino)