Pangalan ni John Ragasa ang huling natawag sa PBA Draft noong Dec. 16. Siya ang 41st pick sa fifth round ng NorthPort. 

Si Stanley Pringle ang tumawag sa kanyang pangalan, at napuno ng sabay-sabay na ‘ooooohhsss’ ang Robinsons Place-Manila nang pumanik sila sa stage.

 Paano ba naman, parang nagsalamin si Pringle – ang tinawag niyang si Ragasa, pareho pala niyang balbas-sarado. 

Tatlo pa nga silang pang-James Harden na balbas, dahil nandu’n din si Mo Tautuaa. Akala ni Ragasa, hindi na siya matatawag. Pito na lang silang naiwan sa holding room.

Kanya pala ang huling akyat sa stage. “Honestly, I thought I was going to be undrafted. I guess it was a blessing,” bulalas ni Ragasa. Sa London naka-base ang pamilya ni Ragasa, siya naman ay apat na taon na ring naglalaro sa PBA D-League. Nagharap na sila ni Pringle, sama na si ­Tautuaa.

 “I have to remind him I have a big beard, he has the baby beard,” naka­ngiting pahayag ni Ragasa sa usapan nila ni Pringle habang isinusuot ng rookie ang cap at jacket. 

Pangalawa si Ragasa sa dalawang tinapik sa fifth round, kasunod ni Chris dela Peña sa Blackwater. Unang hakbang pa lang ang pagkaka-draft para marating ni Ragasa ang pangarap na mag-PBA.

Magpapakitang-gilas siya para mapapirma ng kontrata at makakuha ng spot sa final roster. Apat ang hinugot ng NorthPort sa Draft, una sa No. 3 si Robert Bolick.  Kapag nagkataon, buo ang Beard Brothers ng Batang Pier, triplets pa.

Vladi Eduarte