Rain or Shine import nasa game-shape na

Tiwala si Rain or Shine coach Caloy Garcia na malaking papel ang gagampanan ng import niyang si Shaw Taggart sa title-retention bid ng Elasto Painters sa PBA Commissioner’s Cup.

Uumpisahan agad ng E-Painters ang depensa sa tampok na laro sa opening day sa Biyernes sa Smart Araneta Coliseum.

“The import is blending well with the locals,” ani Garcia sa dating Memphis Tigers player.

“So far, every game parang nag-i-improve naman siya. He’s already in game-shape.”

Pasado si 6-foot-9 Taggart sa 6-10 import ceiling ng midseason tournament. Naglaro na rin siya sa GlobalPort bilang replacement import sa parehong torneo noong isang taon at nag-average ng 34.4 points, 14.8 rebounds, 2.6 assists at 1.6 blocks sa five games.

Kasama sa statistics ni Taggart ang 5 for 11 clip mula sa 3-point range. Mula nang dumating noong isang linggo, naka-apat na practice games na siya sa RoS at gumaganda ang tira sa labas ng arc.

“’Yun maganda sa kanya, medyo mataas ang percentage sa three points and he can post-up so medyo bumagay siya sa laro namin,” dagdag ni Garcia.

Sa unang conference ni Garcia bilang head coach sa season-opening Philippine Cup, tumapos na eighth ang E-Painters at sinipa agad ng eventual champion San Miguel Beer sa quarterfinals.

Pagkatapos ng five games lang sa all-Filipino, inabot ng calf injury ang prized center ni Garcia na si Raymond Almazan at hindi na nakapaglaro. Hindi rin buo ang galaw ni James Yap dahil sa hamstring injury, may foot injury pa si Jericho Cruz.

Bago ang Commissioner’s Cup, sinabi ni Garcia na ‘everybody okay’ na ang Painters.

“Actually, ang injured na lang namin is Jericho pero nakaka-practice na siya. Okay naman lahat, so far,” aniya.