Manlulumo ang mga contractor ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga dredging operation kaugnay sa flood control program ng ahensiya sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ito ay makaraang magkaisa ang mga senador at ang pamunuan ng DPWH na tigilan na ang pagpapakontrata ng mga dredging operation dahil sa nagiging source ito ng korapsiyon.
Sa mga budget deliberation, napagkasunduan na ilipat na lamang sa capital outlay ang P101 bilyon na budget ngayong taon para sa pagpapakontrata ng mga dredging operation.
Nangangahulugan ito na sa halip na kumuha ng kontraktor sa operasyon ay bibili na lamang ng sariling equipment ang ahensiya at ide-deploy sa bawat lokal na pamahalaan para mangasiwa sa mga dredging operation.
Sa ganitong paraan, inaasahang mabubura ang katiwalian at matitiyak ang matagumpay na operasyon.
Una nang pinuna ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang napakataas na pondo para sa pagpapakontrata ng mga dredging operation na kung tutuusin aniya ay mas makatitipid pa kung bibili na lamang ng equipment.
Inihayag din ni Drilon na kadalasan sa mga ganitong pagpapakontrata nagaganap ang katiwalian sa ahensiya kaya mas maigi aniyang tanggalin na ito.
Nilinaw naman ng isang source na ang P101 bilyong pondo sa mga dredging operation ay hindi galing sa mga kongresista, kundi insertion ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa ahensiyang pinamumunuan ni Sec. Mark Villar.