Nabigo ang militanteng grupo ng Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KPPD) na makalapit sa pinagdarausan ng ASEAN Summit sa Philippine International Convention Center (PICC) matapos na harangin at maitaboy ng mga anti-riot police pagsapit sa Manila Zoo sa Adriatico, Maynila.
Ayon sa Manila Police District-District Tactics Operation Centers, nasa mahigt 100 miyembro ng KPPD, ang unang nagtipun-tipon pasado alas-10:00 ng umaga sa may Taft Avenue at nagmartsa papunta sa Quirino Avenue para makalusot sana sa Roxas Blvd. patungo sa destinasyon ng Asean Summit.
Gayunman, hindi na nakaporma ang mga raliyista nang pagsapit sa Manila Zoo ay nagbarikada na ang mga anti-riot police na kumpleto ang mga kalasag at pamalo.
May mga trak din ng bumberong inihanda sakaling kailanganin sa dispersal.
Paglapit ng mga militante nagkagirian at sigawan, pero pumayapa rin at hindi naman nagkasakitan.
Sa huli, hindi na nagpumilit ang mga militante at sa Quirino Avenue na lang nagpahayag ng kanilang pagtutol sa ASEAN Summit.
May ilang minuto ring nanatili sa lugar ang militanteng grupo bago tuluyang umalis pero nanatili pa rin sa lugar ang anti-riot police.