Tumanggap ng ayudang pinansiyal at may libreng pakain mula sa isang sikat na fast food chain ang halos 200 magsasaka mula sa Tagum, Davao Del Norte na ilang araw nang nagkakampo sa Mendiola, Maynila.
Matatandaan na nagpiket sa Mendiola ang mga magsasaka mula sa Davao para iparating nang personal kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang mga karaingan at nararanasang panggigipit mula sa mga lupang sinasaka.
Nitong Martes, Mayo 9 ngayong taon ay hinarap ni Pangulong Duterte ang mga magbubukid.
Nangako ang Pangulo na tutulungan ang mga magsasaka sa kanilang mga karaingan.
Ayon naman kay Special Assistant to the President (SAP) Christopher ‘Bong’ Go agad na tinugunan ang kagyat na pangangailangan ng mga magsasaka.
“‘Yung 191 rallyist po sa Mendiola ay pinakain sa Jollibee and binigyan pa ng tig-P1K bawat isa. Nilagyan ng portalet sa lugar at isasakay sila sa isang charter flight pabalik ng Davao,” pag-uulat ni Go.